Sunday, 28 September 2014

Dakila ka Tatay =)

Habang sinusulat ko ang artikulong ito, gusto kong maalala ang aming Tatay. Ang masipag at mabuting ama. Kaarawan nya ngayon at masaya akong marinig ang kanyang mga tinig. I’m so blessed to have him as my father, dad,  tatay, itay, tatang. Lumaki si Tatay na isang independeng anak. Istrikto ang kanyang mga magulang lalo na ang aking lola, na may dugong Espanyol. Ang lolo ko sabi ni Nanay ay sobrang bait. Kaya naman pinagsamang istrikto at mabait ang aking Tatay.

Bata pa lang ako, nakita ko na kung gaano kasipag ang aming Tatay. Kaya naman lagi nyang sinasabi sa amin na mag-aral kaming mabuti kasi silang dalawa ni Nanay hindi nakapag-aral. Ayaw nilang danasin namin yung nangyari sa kanila. Mahirap ang maging mahirap lalo na kung walang pinag-aralan. Habang lumalaki ako, nauunawaan ko kung ano ang ibig nilang sabihin sa amin. Mapalad kami ng aking mga kapatid sapagkat nakapagtapos kaming lahat sa unibersidad. Sobrang sipag ng aking ama at ina maigapang lang kami sa hirap.

Mapagmahal ang aking Tatay sa kanyang mga magulang. Alam ko sapagkat higit pa sa buhay nya ang kaya nyang itaya para sa pagmamahal na iyon. Ganun kamahal ng Tatay ang kanyang ama. He’s really a hard working dad. Kaya nyang magtrabaho ng 24 oras minsan higit pa kung wala syang kapalit sa trabaho. Binibigay lahat ng Tatay ang kita nya kay Nanay ng lahat ng kita nya, sapat man o hindi. Kaya naman si Nanay malaking hamon sa kanya ang sahod ni Tatay mapagkasya lang lahat samin iyon.

Naging sorbetero at maglalako ng yelo ang hanap buhay ng aming Tatay. Umulan man o umaraw kailangan may benta. Kaya naman sa murang edad nila ni Nanay, nagtrabaho na sila. Lumisan sa kanilang mga magulang makapaghanap lang ng marangal na hanap-buhay. Itinadhana ang kanilang kapalaran ng madestino sya sa prubinsya ni Nanay at mamasukan sa isang pabrika malapit sa bahay nila Nanay. Doon nagkrus ang kanilang mga landas ‘Romantic’ ba?  Tinatanong ko sa sarili ko, paano kaya kung hindi naging guwardiya si Tatay at hindi sya nadistino sa bayan ni Nanay, eh ‘di wala si Meg. Wala kami ng mga kapatid ko. Sobrang hindi ako makapaniwala. Ang layo ni Tatay sa lugar ni Nanay ay higit 5 oras na byahe. Nakilala ni Tatay si Nanay dahil si Nanay ay isang maglalako ng palamig sa labas ng pabrika. Nabihag ni Itay ang puso ni Inay kaya naman nag-asawa sila. Kapwa silang marunong sa buhay kaya naman madali na lang silang magpakasal at magsimula ng bagong buhay mag-asawa.

Pinakasalan ni Tatay si Nanay sa kanilang probinsya at doon namuhay kami. Ipinanganak kaming tatlo. At ng maging 3 taon na ako lumuwas kami ng Maynila para sundan si Tatay sa kanyang panibagong trabaho. Iniwan namin ang aming munting tahanan makapiling lang namin si Tatay. Ito ang isa sa pinakamahalagang nangyari sa aming pamilya. Mula sa desisyon na iyon kaya kami nakapag-aral. Mahirap ang buhay sa probinsya. Siguro kung hindi kami umalis at hindi sinundan si Tatay sa Manila, baka nakapag-asawa ako ng maaga at gayun din ng aking mga kapatid.

Niloob ng Panginoon na mangyari ang lahat. Kaya naman nagpapasalamat ako sa Lord sa pagkakaloob nya sa amin ng isang butihing Tatay. Maprinsipyo si Tatay sa paraan na alam nya ang nakakabuti para sa aming lahat. Lalo na para sa akin. Mahigpit sya pagdating sa mga ‘boys’. Minsan nga nahuli ako ni Tatay na nakikipag-usap sa telepono (saktong nasa extension line sya). Hindi ko matitigan ang kanyang mga mata sapagkat hindi nya nagustuhan na magkaroon ako ng manliligaw habang nag-aaral. Nahihiya ako sa aking ginawa kaya naman nirerespeto ko kung anong desisyon nya para sa akin.  Alam ko na para sa kabutihan ko ang lahat. Ayaw ko syang biguin at alam ko na nasaktan ko ang damdamin nya kaya minabuti kong mag-aral ng mabuti kaya naman utang ko sa kanya at ni Nanay kung ano ako ngayon.

Ngayong kaarawan niya, dalangin ko sa Poong Maykapal na humaba pa ang kanilang mga buhay ni Nanay. Hangad ko ang kanilang mabuting kalusugan, mahaba at masaya na pamumuhay. Ninanais ng puso ko na makasayaw ko ang aking Tatay sa aking kasal at makita iyon ng aking Nanay. Napakasaya kong makita iyon sa hinaharap at makita nila ang apo nila sa akin at ng aking butihing asawa sa takdang panahon.


Tatay, binabati kita at pinasasalamatan. I am so grateful that I have you in my life. I am more blessed to have you as our father. I love you Tatay. =)


No comments:

Post a Comment