Monday, 1 September 2014

Isang Bukas na Liham =)

Kapag naiisip ko lahat ng magagandang bagay na ibinigay sa aking ni Lord, feeling ko napakasaya ko… Malayo man ang pamilya ko ngayon, alam ko na alam nilang mahal na mahal ko sila. Kung maaari lang tawirin ang dagat o kaya naman maging si Superwoman… lilipad ako! Promise =)

Sa ngayon, kung anong mayroon ako, masaya ako. Pahalagahan ang buhay. Maikli lang ang panahon at natutunan ko na hindi lahat nabibigyan ng pagkakataon para mabuhay ng matagal. Nasa aking isipan kung anong gusto kong maramdaman at nasasalamin ito sa aking mga gawa. Mababanaag ito sa aking mga binabasa. Mababaw lang ang aking kaligayahan. Wala ito sa kung ano mang materyal. Ipinanganak akong mahirap. Salat sa yaman. Hindi rin ako marunong maghangad ng higit sa aking kailangan. Sakto lang. Simple, basta masaya. Walang inaalala.

Akin ang oras. Aangkinin ko ang oras para makagawa ng mabuti o makapagpasaya. Minsan ko ng naranasan ang maging malungkot. Mawalan ng mahal sa buhay. Maubusan ng pera dahil sa pagpapagawa ng munting masisilungan para sa pamilya. Hangad ko ang kanilang kaligayahan. Dahil sa kanila nakakayanan ko lahat. Mahirap ang mag-isa. Pero sa kabila ng lahat, maraming nagmamahal. Kaiba man ako sa kanila, natutunan ko na tanggapin ang bawat uri ng tao; unawain at intindihin na ang tao ay may kahinaan at kalakasan din. May kanya-kanyang kagandahan. Nasa kanilang mga puso kaya ako natutuwa. Parang pelikula. Magkakaibang kwento. Kapupulutan ng aral na kailanman hindi ko lubos maisip kung paano suutin ang kanilang mga sapatos. Na ang pinagdadaanan ko sa buhay, mas matindi pa sa kung ano ang kanilang nararanasan.

Mapalad ang nagbibigay sa kung anong paraan. Nagdudulot ito ng kasiyahan at iyon ang aking natutunan. Napabuti ng Diyos at napagkalooban ako ng mabubuting mga magulang at mga magulang na hindi man ako nila kaanu-ano, tinatanggap nila ako bilang isang tunay na anak. Alam nila kung gaano ko sila kamahal. Mahal na mahal ko sila gaya ng aking mga magulang at hangad ko ang kanilang mahaba pang buhay. Mahirap ng mawalan ng magulang. Alam ko kasi hiningi ko sa Diyos na bigyan pa ang aking ama ng marami pang pagkakataon para mabuhay. Ang malaman na masaya ang aking mga magulang at malakas, daig ko pa ang nanalo ng ‘free lotto’. Mahalaga sa isang anak na bigkasin ang salitang ‘I love you nanay o I love you tatay’. Alam ko na isang sikreto iyon kung bakit hanggang ngayon masaya ang aking mga magulang. Kung nakakayanan natin bigkasin ito sa ating kasintahan o asawa na mahal kita, ano pa kaya ang ating mga magulang na tunay na naghirap para sa atin. Balang araw, ang bawat isa sa atin ay magiging magulang din. Magkakaroon ng sariling anak. Anong kayang feeling na masabihan ka ng iyong anak na ‘I love you mommy’ o ‘I love you daddy’. Ang sarap ng feeling hindi ba? Bata man sila o may edad na, nakakaantig yun para sa isang magulang.

Ang bawat isa ay mapalad. Nasa tumitingin at nasa nananalamin. Nasa tumitingin, ang ibig sabihin noon ay ikaw. Ako. Tayo. Gaano natin nakikita ang ating mga sarili ay ganun din ang nakikita ng ibang tao sa atin araw araw. Tayo ang bumubuo ng ating kasiyahan. Nasa puso natin ito at wala sa ibang tao. Ang ibang tao ay nagiging bahagi ng ating kasiyahan sapagkat gusto nating maging mas masaya pa. Hindi lang ikaw, ako, kung hindi ang lahat ng taong nakapaligid at nagmamahal sa atin. Bumubuo tayo ng malaking pamilya. Na ang pamilya mo, pamilya ko na rin… pamilya na ang nais makapagbahagi ng ganap na kasiyahan na magiging salamin sa ating lipunan. At higit sa lahat, nasa nananalamin. Hindi sapat ang pagtingin, kailangangang pagnilaynilayin din natin ang ating buhay, dahil dito mas nakikita natin ang maliwanag na daan. Ang daan patungo sa ating hinaharap.


Nagbibigay ang taong nakaranas ng mawalan sa buhay. Sa tingin ko, ganap ang kabuuan ng isang tao kapag ito ay nahaharap sa pagsubok na kailangang lagpasan. Panahon ang tunay na makapagsasabing kung ganap ng isang puno ang isang halaman.  At masasabi ko na malalim ang taong ito. Karunungan higit pa sa talino ang kaya nitong matutunan. Mapagbigay at hindi maramot. Hindi sakim. Walang puwang sa puso nito ang magtanim ng galit dahil punung-puno ito ng pagmamahal. Pagmamahal na minsan may amnesia. Ang tawag dun… kalimut. Nakalimutan lahat ng bagay na nakakasakit o kaya masakit sa puso. Kaya marapat na alagaan ang ating mga puso. Nag-iisa yan at iyan ang dahilan kung bakit tayo masaya at maligaya. At ‘take note’ ang taong masaya ay bumabata at higit sa lahat, mas lalong gumaganda, 'gorgeous' ika nga ng iba =)

Mula sa panulat ni Meg

No comments:

Post a Comment