Mula sa panulat ni Meg
Ayon sa aking ina, ang dalawa sa importanteng taglay ng isang ulirang maybahay at asawa ay una: marunong itong magluto at ang ikalawa mahusay sa pananalapi.
Lumaki ako sa
isang simple at payak na pamumuhay . Salat sa yaman at nakakaraos lang sa
kinikita ng aking ama. Nasa ika anim na antas sa elementarya ang tinapos ng
aking ina kaya naman lumaki itong sa paghahanap buhay at namasukan bilang
kasambahay. Sa murang edad natuto ang aking ina ng mga gawaing bahay at sa
aking paglaki nakagisnan ko ang isang ulirang ina na walang ninais kung hindi
ang mapabuti ang kanyang maybahay at kanyang mga anak.
Kasiyahan ng
aking ina ang makapaglingkod sa kanyang munting tahanan. Lumaki akong dala ang
kanyang ala-ala saan man ako magpunta na kailangan at mahalaga na kumain sa
umaga. Malayo man ako sa kanya ngayon batid ko na dahil sa mga nakikita ko,
natutunan ko ang kahalagahan ng pagluluto at dapat taglayin ng isang
kababaihan, maging ina man ito, anak o asawa. Ang katangiang ito ay isang
paghahanda para sa isang mabuting ‘Reyna ng Kusina’ sapagkat dito nakasalalay
ang kalusugan at kalakasan ng kanyang asawa sa pang-araw araw nitong gawain sa
loob at labas ng kanilang tahanan at maging ang kanilang mga supling.
Dahil sa
pagluluto, naibabahagi ng isang ina ang husay nito hindi lamang sa kanyang
sarili kung hindi sa kanyang mga mahal sa buhay. Ang katangian na maaaring
manahin ng kanyang mga anak. Ang inang marunong sa kusina ay maihahalintulad sa
isang duktor na marunong maghain sa kanyang pamilya ng sapat na nutrisyon na
kailangan ng kanyang mga anak para lumaki itong malusog at matalino. Ang
kalakasan ng ina ay sya ring kalakasan ng kanyang mga anak.
Ang ikalawa,
dapat taglayin ng isang mabuting maybahay ang kahalagahan ng pananalapi. Ang
kahusayan sa paghawak ng salapi ay maihahalintulad sa tagapag-ingat ng yaman.
Gaano man kalaki ang kinikita ng isang ama o asawa kung hindi maingat sa
pananalapi ang kanyang maybahay, madali itong mauubos at tuluyang mawawala. Ang
kahusayan ng aking ina pagdating sa larangang ito ay patunay na isa syang
dakilang ina. Apat kaming magkakapatid subalit nairaos kaming lahat para
makapagtapos ng kolehiyo sa kakarampot ng kinikita lamang ng aming ama. Si ina,
bilang ingat yaman ay buong puso nitong tinatanggap ang hamon gaano man kababa
ang sinasahod ng aking ama. Batid kong hindi sapat at minsan pa nga’y kulang
ang sahod ng aking ama subalit wala akong narinig ni daing ng aking ina
sapagkat batid ko ang hirap ng buhay noon at ganun din ang hirap ng aking aman sa
paghahanap buhay. Sa papaanong paraan kami nakakakaraos, tanging ang aking ina
lamang ang nakakaalam. Ang paghawak sa salapi ang isang sining na kailangan ng
tamang paghahati-hati ng gastusin.
Hindi ko sukat
akalain kung paano kami nakaraos noon . Nangungupahan kami ng maliit na bahay,
nag-aaral kaming lahat at wala man lang tumigil kahit isa, ang gastusin sa
bahay tulad ng pagkain, elektrisidad at tubig, paano kaya napagbabaha-bahagi
iyon ng aking ina. Sya lamang ang nakakaalam.
Sa aking
pagninilay nilay nabatid ko na mahalaga itong taglayin at patuloy na
pagsikapang matutunan ang katangian ito ng isang kababaihan. Dalawang daan na
magiging pag-asa para sa matagumpay na hinaharap ng isang pamilyang punong puno
ng pagmamahal, at higit sa lahat pananampalataya kaakibat ang isang masaganang
buhay sa hinaharap. =)
No comments:
Post a Comment